13 Talata sa Bibliya tungkol sa Ang Propesiya sa Edom
Mga Pinaka-nauugnay na mga Taludtod
At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang. At mula sa Jacob ay magkakaroon ng isang may kapangyarihan, At gigibain niya sa bayan ang nalalabi.
Huwag mong kasusuklaman ang Idumeo; sapagka't siya'y iyong kapatid: huwag mong kasusuklaman ang taga Egipto; sapagka't ikaw ay nakipamayan sa kaniyang lupain. Ang mga anak ng ikatlong salin ng lahi nila na ipinanganak sa kanila ay makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.
At sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan. Siya'y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit. Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.magbasa pa.
At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan. Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan. Sapagka't ang tubig ng Nimrim ay natuyo, sapagka't ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay. Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce. Sapagka't ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa Beer-elim. Sapagka't ang tubig ng Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka't magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.
Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion. Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon. Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.magbasa pa.
Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain. At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran. Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala. Kaya't aangal ang Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw. Sapagka't ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat. Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka. At ang kasayahan ay naalis, at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani. Kaya't ang aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares. At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig. Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab sa panahong nakaraan. Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.
Sapagka't sa bundok na ito magpapahinga ang kamay ng Panginoon; at ang Moab ay mayayapakan sa kaniyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanglibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito. Sapagka't ang Panginoon ay may galit laban sa lahat na bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan. Ang kanilang patay naman ay matatapon, at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw, at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.magbasa pa.
At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid: at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos. Sapagka't ang aking tabak ay nalango sa langit: narito, yao'y bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan. Ang tabak ng Panginoon ay napuno ng dugo, tumaba ng katabaan, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa: sapagka't may hain sa Panginoon sa Bosra, at may malaking patayan sa lupain ng Edom. At ang mga mailap na baka ay magsisibabang kasama nila at ang mga baka na kasama ng mga toro, at ang kanilang lupain ay malalango ng dugo, at ang kanilang alabok ay tataba ng katabaan. Sapagka't kaarawan ng panghihiganti ng Panginoon, na taon ng kagantihan sa pagaaway sa Sion. At ang mga batis niya ay magiging sahing, at ang alabok niya ay azufre, at ang lupain niya ay magiging nagniningas na sahing. Hindi mapapatay sa gabi o sa araw man; ang usok niyaon ay iilanglang magpakailan man: sa buong panahon ay malalagay na sira; walang daraan doon magpakailankailan man. Kundi aariin ng ibong pelikano at ng hayop na erizo; at ang kuwago at ang uwak ay magsisitahan doon: at kaniyang iuunat doon ang panukat na pising panglito, at ang pabatong pangpawala ng tao. Kanilang tatawagin ang mga mahal na tao niyaon sa kaharian, nguni't mawawalan doon; at lahat niyang mga pangulo ay magiging parang wala. At mga tinikan ay tutubo sa kaniyang mga palacio, mga kilitis at mga lipay ay sa mga kuta niyaon: at magiging tahanan ng mga chakal, looban ng mga avestruz. At ang mga mailap na hayop sa ilang ay makikipagsalubong doon sa mga lobo, at ang lalaking kambing ay hihiyaw sa kaniyang kasama; oo, ang malaking kuwago ay tatahan doon, at makakasumpong siya ng dakong pahingahan. Doon maglulungga ang maliksing ahas, at mangingitlog, at mangapipisa, at aampunin sa ilalim ng kaniyang lilim; oo, doon magpipisan ang mga lawin, bawa't isa'y kasama ng kaniyang kasamahan. Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka't iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu. At kaniyang pinagsapalaran, at binahagi ng kaniyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat: kanilang aariin magpakailan man, sa sali't saling lahi ay tatahan sila roon.
Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan silang lahat na nangatuli sa hindi tunay na pagkatuli. Ang Egipto, at ang Juda, at ang Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ang Moab, at lahat ng nagsisigupit ng laylayan ng kaniyang buhok, na nagsisitahan sa ilang; sapagka't lahat ng mga bansa ay hindi tuli, at ang buong sangbahayan ni Israel ay hindi tuli sa puso.
Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan? Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo'y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka't aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya. Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan?magbasa pa.
Nguni't aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya'y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya'y wala na rin. Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga'y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka. Sapagka't ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira. Ako'y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo'y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka. Sapagka't, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao. Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon. At ang Edom ay magiging katigilan: bawa't nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon. Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon. Narito, siya'y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka't bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko? Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga'y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila. Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula. Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam. Tungkol sa Damasco. Ang Hamath ay napahiya, at ang Arphad; sapagka't sila'y nangakarinig ng mga masamang balita, sila'y nanganglulupaypay: may kapanglawan sa dagat; hindi maaaring tumahimik. Ang Damasco ay humihina, siya'y tumatalikod upang tumakas, at panginginig ay humahawak sa kaniya: kalungkutan at mga kapanglawan ay sumapit sa kaniya na gaya sa babae sa pagdaramdam. Ano't hindi pinabayaan ang bayan na kapurihan, ang bayan na aking kagalakan? Kaya't ang kaniyang mga binata ay mangabubuwal sa kaniyang mga lansangan, at lahat ng lalake na mangdidigma ay mangadadala sa katahimikan sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. At ako'y magsusulsol ng apoy sa kuta ng Damasco, at pupugnawin niyaon ang mga palacio ni Benhadad. Tungkol sa Cedar, at sa mga kaharian ng Hasor na sinaktan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. Ganito ang sabi ng Panginoon, Magsibangon kayo, magsisampa kayo sa Cedar, at inyong lipulin ang mga anak ng silanganan. Ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga kawan ay kanilang kukunin; kanilang kukunin para sa kanilang sarili ang kanilang mga tabing, at lahat nilang sisidlan, at ang kanilang mga kamelyo: at hihiyawan nila sila: Kakilabutan sa lahat ng dako! Magsitakas kayo, gumala kayo ng malayo, magsitahan kayo sa kalaliman, Oh kayong mga nananahan sa Hasor, sabi ng Panginoon; sapagka't kumuhang payo si Nabucodonosor na hari sa Babilonia laban sa inyo, at may ipinasiya laban sa inyo. Magsibangon kayo, inyong sampahin ang bansang tiwasay, na tumatahang walang bahala, sabi ng Panginoon; na wala kahit pintuangbayan o mga halang man, na tumatahang magisa. At ang kanilang mga kamelyo ay magiging samsam, at ang karamihan ng kanilang kawan ay samsam: at aking pangangalatin sa lahat ng hangin ang mga may gupit sa dulo ng kanilang buhok; at aking dadalhin ang kanilang kasakunaan na mula sa lahat nilang dako, sabi ng Panginoon. At ang Hasor ay magiging tahanang dako ng mga chakal, sira magpakailan man: walang taong tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon. Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa Elam sa pagpapasimula ng paghahari ni Sedechias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking babaliin ang busog ng Elam, ang pinakapangulo ng kaniyang kapangyarihan. At sa Elam ay dadalhin ko ang apat na hangin na mula sa apat na sulok ng langit, at aking pangangalatin sila sa lahat ng hanging yaon; at walang bansang hindi kararatingan ng mga tapon na mula sa Elam. At aking panglulupaypayin ang Elam sa harap ng kanilang mga kaaway, at sa harap ng nagsisiusig ng kanilang buhay; at ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y ang aking mabangis na galit, sabi ng Panginoon; at aking ipahahabol sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila. At aking ilalagay ang aking luklukan sa Elam, at aking lilipulin mula roon ang hari at mga prinsipe, sabi ng Panginoon. At mangyayari sa mga huling araw, na aking ibabalik ang pagkabihag ng Elam, sabi ng Panginoon.
Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't ang Edom ay gumawa ng laban sa sangbahayan ni Juda sa panghihiganti, at nagalit na mainam, at nanghiganti sa kanila; Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking iuunat ang aking kamay laban sa Edom, at aking ihihiwalay ang tao at hayop doon; at aking gagawing sira mula sa Teman; hanggang sa Dedan nga ay mabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak. At aking isasagawa ang aking panghihiganti sa Edom, sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel; at kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking kapusukan; at kanilang malalaman ang aking panghihiganti, sabi ng Panginoong Dios.
Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha sa bundok ng Seir, at manghula ka laban doon, At sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh bundok ng Seir, at aking iniunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at katigilan.magbasa pa.
Aking ilalagay na giba ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging sira; at iyong malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't ikaw ay nagkaroon ng laging pakikipagkaalit, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kasakunaan, sa kapanahunan ng parusang pinaka wakas; Kaya't buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, aking itatalaga ka sa dugo, at ang dugo ay hahabol sa iyo: yamang hindi mo kinapootan ang dugo, kaya't matatalaga ka sa dugo. Ganito ko gagawin ang bundok ng Seir na isang katigilan at kasiraan; at aking ihihiwalay sa kaniya siya na nagdaraan at siyang nagbabalik. At aking pupunuin ang kaniyang mga bundok ng kaniyang mga nangapatay: sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga daan ng tubig ay mangabubuwal sila na nangapatay ng tabak. Ikaw ay gagawin kong pangpalaging kasiraan, at ang iyong mga bayan ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon. Sapagka't iyong sinabi, Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin; bagaman kinaroroonan ng Panginoon: Kaya't buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, aking gagawin ayon sa iyong galit, at ayon sa iyong pananaghili na iyong ipinakilala sa iyong pagtatanim laban sa kanila: at ako'y pakikilala sa gitna nila pagka aking hahatulan ka. At iyong malalaman na akong Panginoon ay nakarinig ng lahat mong panunungayaw na iyong sinalita laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, Nangalagay na sira ang mga yaon, nangabigay sa atin upang lamunin. At kayo'y nangagmalaki laban sa akin ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin: aking narinig yaon. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Pagka ang buong lupa ay nagagalak, akin gagawin kang sira. Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sangbahayan ni Israel, dahil sa sira, gayon ang gagawin ko sa iyo: ikaw ay magiging sira, Oh bundok ng Seir, at buong Edom, oo, lahat ng ito; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Egipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagka't sila'y nagbubo ng walang salang dugo sa kanilang lupain.
Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Edom, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't hinabol niya ng tabak ang kaniyang kapatid, at ipinagkait ang buong habag, at ang kaniyang galit ay laging nanglilipol, at taglay niya ang kaniyang poot magpakailan man. Nguni't magsusugo ako ng isang apoy sa Teman, at susupukin niyaon ang mga palacio sa Bozra. Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng mga anak ni Ammon, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kanila; sapagka't kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang tao sa Galaad, upang kanilang mapalapad ang kanilang hangganan.magbasa pa.
Nguni't aking papagniningasin ang isang apoy sa kuta ng Rabba, at susupukin niyaon ang mga palacio niyaon, na may hiyawan sa kaarawan ng pagbabaka, na may bagyo sa kaarawan ng ipoipo; At ang kanilang hari ay papasok sa pagkabihag, siya at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama, sabi ng Panginoon.