11 Mga Taludtod ng Bibliya Tungkol Sa Kompositor

Mga Pinaka-nauugnay na mga Taludtod

Deuteronomio 31:19

Ngayon nga'y sulatin ninyo sa ganang inyo ang awit na ito, at ituro mo sa mga anak ni Israel: ilagay mo sa kanilang mga bibig, upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.

Deuteronomio 31:22

Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding yaon, at itinuro sa mga anak ni Israel.

Deuteronomio 31:30

At sinalita ni Moises sa pakinig ng buong kapisanan ng Israel ang mga salita ng awit na ito, hanggang sa natapos.

Deuteronomio 32:44

At si Moises ay naparoon at sinalita ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pakinig ng bayan, siya, at si Josue na anak ni Nun.

Deuteronomio 32:1-44

Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, At pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig. Ang aking aral ay papatak na parang ulan; Ang aking salita ay bababa na parang hamog; Gaya ng ambon sa malambot na damo, At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin: Sapagka't aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios.magbasa pa.
Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya. Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi. Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka. Alalahanin mo ang mga araw ng una, Isipin mo ang mga taon ng lahi't lahi: Itanong mo sa iyong ama at kaniyang ibabalita sa iyo; Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo. Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel. Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya. Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata: Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak: Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya. Ipinaari sa kaniya ang matataas na dako ng lupa, At siya'y kumain ng tubo sa bukid; At kaniyang pinahitit ng pulot na mula sa bato, At ng langis na mula sa batong pinkian; Ng mantika ng baka, at gatas ng tupa, Na may taba ng mga kordero, At ng mga tupang lalake sa Basan, at mga kambing, Na may taba ng mga butil ng trigo; At sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak. Nguni't tumaba si Jeshurun, at tumutol: Ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis: Nang magkagayo'y kaniyang pinabayaan ang Dios na lumalang sa kaniya, At niwalang kabuluhan ang Bato na kaniyang kaligtasan. Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga dios, Sa pamamagitan ng mga karumaldumal, minungkahi nila siya sa kagalitan. Kanilang inihain sa mga demonio, na hindi Dios, Sa mga dios na hindi nila nakilala, Sa mga bagong dios, na kalilitaw pa lamang, Na hindi kinatakutan ng inyong mga magulang. Sa Batong nanganak sa iyo, ay nagwalang bahala ka, At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo. At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila, Dahil sa pamumungkahi ng kaniyang mga anak na lalake at babae. At kaniyang sinabi, Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, Aking titingnan kung anong mangyayari sa kanilang wakas; Sapagka't sila'y isang napakasamang lahi, Na mga anak na walang pagtatapat. Kinilos nila ako sa paninibugho doon sa hindi Dios; Kanilang minungkahi ako sa galit sa kanilang mga walang kabuluhan: At akin silang kikilusin sa paninibugho sa mga hindi bayan: Aking ipamumungkahi sila sa galit, sa pamamagitan ng isang mangmang na bansa. Sapagka't may apoy na nagalab sa aking galit, At nagniningas hanggang sa Sheol, At lalamunin ang lupa sangpu ng tubo nito, At paniningasan ng apoy ang mga tungtungan ng mga bundok. Aking dadaganan sila ng mga kasamaan; Aking gugugulin ang aking busog sa kanila: Sila'y mangapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init, At ng mapait na pagkalipol; At ang mga ngipin ng mga hayop ay susunugin ko sa kanila, Sangpu ng kamandag ng nangagsisiusad sa alabok. Sa labas ay pipighatiin ng tabak. At sa mga silid ay kakilabutan; Malilipol kapuwa ang binata at dalaga, Ang sanggol sangpu ng lalaking may uban. Aking sinabi, Aking pangangalatin sila sa malayo, Aking papaglilikatin sa mga tao ang alaala sa kanila; Kundi aking kinatatakutan ang mungkahi ng kaaway; Baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali, Baka kanilang sabihin, Ang aming kamay ay tanghal, At hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito. Sapagka't sila'y bansang salat sa payo, At walang kaalaman sa kanila. Oh kung sila'y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas! Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo, At ang dalawa'y magpapatakas sa sangpung libo, Malibang ipagbili sila ng kanilang Bato, At ibigay sila ng Panginoon? Sapagka't ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom. Sapagka't ang kanilang puno ng ubas ay mga puno ng ubas sa Sodoma, At sa mga parang ng Gomorra: Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, Ang kanilang mga buwig ay mapait: Ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, At mabagsik na kamandag ng mga ahas. Di ba ito'y natatago sa akin, Na natatatakan sa aking mga kayamanan? Ang panghihiganti ay akin, at gayon din ang gantingpala, Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa: Sapagka't ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit, At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali. Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, At magsisisi dahil sa kaniyang mga lingkod; Pagka kaniyang nakitang ang kanilang kapangyarihan ay nawala, At wala ng natitira na natatakpan o naiwan. At kaniyang sasabihin, Saan nandoon ang kanilang mga dios, Ang bato na siya nilang pinanganlungan; Yaong mga kumakain ng taba ng kanilang mga hain, At umiinom ng alak ng kanilang inuming handog? Bumangon sila at tumulong sa inyo, At sila'y maging pagkupkop sa inyo. Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay. Sapagka't aking itinataas ang aking kamay sa langit, At aking sinasabi, Buhay ako magpakailan man, Kung aking ihahasa ang aking makintab na tabak, At ang aking kamay ay hahawak ng kahatulan; Aking ibibigay ang aking panghihiganti sa aking mga kaaway, At aking gagantihan yaong nangapopoot sa akin. At aking lalanguin ng dugo ang aking tunod, At ang aking tabak ay sasakmal ng laman; Sa dugo ng patay at ng mga bihag, Mula sa ulo ng mga pangulo ng kaaway. Mangagalak kayo, O mga bansa, na kasama ng kaniyang bayan; Sapagka't ipanghihiganti ang dugo ng kaniyang mga lingkod, At manghihiganti sa kaniyang mga kaalit, At patatawarin ang kaniyang lupain, ang kaniyang bayan. At si Moises ay naparoon at sinalita ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pakinig ng bayan, siya, at si Josue na anak ni Nun.

Pahayag 15:3

At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.

2 Samuel 23:1

Ito nga ang mga huling salita ni David. Sinabi ni David na anak ni Isai, At sinabi ng lalake na pinapangibabaw, Na pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob, At kalugodlugod na mangaawit sa Israel:

Lucas 20:42

Sapagka't si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan,

1 Mga Hari 4:32

At siya'y nagsalita ng tatlong libong kawikaan; at ang kaniyang mga awit ay isang libo at lima.

Mga Hukom 5:1-31

Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barac na anak ni Abinoam nang araw na yaon, na sinasabi, Sapagka't namatnubay ang mga tagapatnubay sa Israel, Sapagka't ang bayan ay humandog na kusa, Purihin ninyo ang Panginoon. Dinggin ninyo, Oh ninyong mga hari; pakinggan ninyo, Oh ninyong mga prinsipe; Ako, ako'y aawit sa Panginoon, Ako'y aawit ng pagpupuri sa Panginoon, na Dios ng Israel.magbasa pa.
Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir, Nang ikaw ay yumaon mula sa bukid ng Edom, Ang lupa'y nayanig, ang langit naman ay pumatak, Oo, ang mga alapaap ay nagpatak ng tubig. Ang mga bundok ay humuho sa harap ng Panginoon, Pati yaong Sinai, sa harap ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Sa mga kaarawan ni Samgar na anak ni Anat, Sa mga kaarawan ni Jael, ang mga paglalakbay ay naglikat, At ang mga manglalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas. Ang mga pinuno ay naglikat sa Israel, sila'y naglikat, Hanggang sa akong si Debora, ay bumangon, Na ako'y bumangon na isang ina sa Israel. Sila'y nagsipili ng mga bagong dios; Nang magkagayo'y nagkaroon ng digma sa mga pintuang-bayan: May nakita kayang kalasag o sibat sa apat na pung libo sa Israel? Ang aking puso ay nasa mga gobernador sa Israel, Na nagsihandog na kusa sa bayan; Purihin ninyo ang Panginoon! Saysayin ninyo, ninyong mga nakasakay sa mapuputing asno, Ninyong nangakaupo sa maiinam na latag, At ninyong nangagsisilakad sa daan. Malayo sa ingay ng mga manghuhutok, sa mga dakong igiban ng tubig, Doon sila magpapanibagong magsanay sa mga matuwid na gawa ng Panginoon, Ng mga matuwid na gawa ng kaniyang pagpupuno sa Israel. Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan. Gumising ka, gumising ka, Debora; gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit: Bumangon ka, Barac, at ihatid mo ang iyong mga bihag, ikaw na anak ni Abinoam. Nagsibaba nga ang nalabi sa mga mahal, at ang bayan; Ang Panginoon ay bumaba dahil sa akin laban sa mga makapangyarihan. Sa Ephraim nangagmula silang nasa Amalec ang ugat; Sa likuran mo, ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga bayan; Sa Machir nangagmula ang mga gobernador, At sa Zabulon yaong nangaghahawak ng tungkod ng pagpupuno. At ang mga prinsipe sa Issachar ay kasama ni Debora; Na kung paano si Issachar ay gayon si Barac, Sa libis nagsisubasob sa kaniyang paanan. Sa tabi ng mga agusan ng tubig ng Ruben ay nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso. Bakit ka nakaupo sa gitna ng mga kulungan ng tupa, Upang makinig ba ng mga tawag sa mga kawan? Sa agusan ng tubig ng Ruben Nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso. Ang Galaad ay tumahan sa dako roon ng Jordan: At ang Dan, bakit siya'y natira sa mga sasakyan sa tubig? Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat, At nanahan sa kaniyang mga daong. Ang Zabulon ay isang bayan na isinapanganib ang kanilang buhay sa ikamamatay, At ang Nephtali, ay sa matataas na dako ng bukiran. Ang mga hari ay nagsiparito at nagsilaban; Nang magkagayo'y nagsilaban ang mga hari ng Canaan, Sa Taanach na nasa tabi ng tubig sa Megiddo: Sila'y hindi nagdala ng mga pakinabang na salapi. Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, Sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisara. Tinangay sila ng ilog Cison, Ng matandang ilog na yaon, ng ilog Cison. Oh kaluluwa ko, lumakad kang may lakas. Nang magkagayo'y nagsiyabag ang mga kuko ng mga kabayo, Dahil sa mga pagdamba, sa pagdamba ng kanilang mga malakas. Sumpain ninyo si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon, Sumpain ninyo ng kapaitpaitan ang mga tagaroon sa kaniya; Sapagka't sila'y hindi naparoon na tumulong sa Panginoon, Na tumulong sa Panginoon, laban sa mga makapangyarihan. Pagpalain sa lahat ng babae si Jael, Ang asawa ni Heber na Cineo, Pagpalain siya sa lahat ng babae sa tolda. Siya'y humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas; Kaniyang binigyan siya ng mantekilya sa pinggang mahal. Kaniyang hinawakan ng kaniyang kamay ang tulos, At ng kaniyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa; At sa pamamagitan ng pamukpok ay kaniyang sinaktan si Sisara, pinalagpasan niya sa kaniyang ulo, Oo, kaniyang tinarakan at pinalagpasan ang kaniyang pilipisan. Sa kaniyang paanan ay nasubasob, siya'y nabuwal, siya'y nalugmok: Sa kaniyang paanan siya'y nasubasob, siya'y nabuwal. Kung saan siya sumubasob, doon siya nalugmok na patay. Sa dungawan ay sumungaw, at sumigaw; Ang ina ni Sisara ay humiyaw mula sa mga silahia: Bakit kaya ang kaniyang karo ay nagluluwat ng pagdating? Bakit kaya bumabagal ang mga gulong ng kaniyang mga karo? Ang kaniyang mga pantas na babae ay sumagot sa kaniya, Oo, siya'y nagbalik ng sagot sa kaniyang sarili, Hindi ba sila nakasumpong, hindi ba nila binahagi ang samsam? Isang dalaga, dalawang dalaga sa bawa't lalake; Kay Sisara ay samsam na damit na may sarisaring kulay, Samsam na sarisaring kulay ang pagkaburda, Na sarisaring kulay, na burda sa dalawang tagiliran, Na suot sa leeg ng mga bihag? Gayon malipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon: Nguni't yaong mga umiibig sa kaniya ay maging parang araw pagka lumalabas sa kaniyang kalakasan. At ang lupain ay nagpahinga na apat na pung taon.

Amos 6:5

Na nagsisiawit ng mga pagayongayong awit sa tinig ng biola; na nagsisikatha sa ganang kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;

Never miss a post

n/a